North Luzon Monitor

North Luzon

Taas-presyo ng bilihin ramdam sa Baguio

Ramdam sa Baguio City ang taas-presyo ng mga bilihin sa huling bahagi ng 2024.

“Pababa, pataas tsaka matumal ang benta… Dahil nga siguro sa bagyo, tignan niyo yung mga nabaha sa baba [Maynila]. Wala nang masyadong pumupuntang mga turista rito… lalo na at mataas ang presyo ng gulay” Ani Marjorie Kidlo, apat na taon nang tindera na dating OFW.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 5.5% ang inflation rate ng lungsod simula nitong Oktubre 2024 dahil sa mga sunod-sunod na pasok ng bagyo sa bansa.

Mula naman sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC), umangat sa 140% ang presyo ng ilang gulay nitong unang dalawang linggo ng Nobyembre 2024 sa probinsya matapos ang sunud-sunod na pagbagyo. 

Karaniwang tumataas ang presyo ng mga gulay sa pagpatak ng ikaapat na kwarter ng taon, pero dahil sa sunod-sunod na bagyo, mas tumaas ang presyo ng mga bilihin ngayong taon kumpara sa mga nagdaang panahon ayon na rin mismo sa mga manininda.

Ayon sa PSA nitong 2023 tinatayang nasa ₱11,600 ang poverty line sa rehiyon ng Cordillera.

Kaya naman sa panahon ng ka-paskohan, lahat ng klase ng pagtitipid ay handang gawin ng mga mamimili, magkaroon lang ng maihahanda.  

Kaniya-kaniyang diskarte na rin ang ginagawa ng mga mamimili para sa darating pasko at bagong taon.

Hindi lang ang budget para sa pasko at bagong taon ang apektado kung hindi pati narin ang budget ng mga estudyante linggo-linggo.

“Malaki ang epekto ng inflation sa budget ko, dahil fixed ang allowance na natatanggap ko every month, kailangan kong mag-adjust o gumawa ng paraan para makatipid,” ayon kay Florian Mercado, isang mag-aaral sa kolehiyo.” 

Pati ang budget para sa ibang mga bilihin ay apektado dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain sa palengke at lahat ng pamilihan.

“Imbis na kumain sa labas ay magluluto na lang ako o kaya naman ay yung mga kinakailangang mga bagay lang muna ang bibilhin ko,” dagdag pa nito. 

“Nakakalungkot at nakaka-stress yung pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na at hindi maiiwasan ang gastusin na kailangan sa school. Mahirap makipagsabayan sa pagtaas ng presyo, kaya syempre kailangan mas maging wise sa paggastos ng pera,” aniya. 

Dahil sa pagtaas ng mga presyo, marami ang apektado partikular ang mga nagtitinda at mamimili. 

Ang minimum wage ng bawat residente sa   Cordillera ay nasa ₱400 kada araw kaya naman malaking problema para sa kanila ang pagtaas ng presyo ng mga gulay gaya ng repolyo, bawang, sibuyas, lettuce, bokchoy, sayote, atpb.

Iba’t ibang diskarte ang ginagawa ng bawat mamimili para pagkasyahin ang kanilang badyet gaya ng pagbawas sa kanilang mga binibili at kanilang inuunang bilhin ang mga gulay na kanilang kailangan.

“Malaking epekto ang inflation, dati isang kilo ng sibuyas ang binibili ko pero ngayon kalahati na lang at pinagkakasya ko ito.” Bigkas ni Loida Allawan, isang senior citizen na namimili sa Baguio Public Market.

Magkahalong galit at pagkadimasya ang emosyong nararamdaman ng mga mamimili gaya ni Allawan dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo.

“Syempre, nagagalit ako sa ganun kasi naghihirap yung family… I feel helpless kasi I cannot do something anything about it kasi kung yung mga government officials, wala ngang ginagawa. Helpless ang ordinary citizens just like me,” ani Allawan. By Alexis Aubrey P. Asalil, University of the Philippines – Baguio, Student Jounalist in Training 

Scroll to Top