- Hierarchy of Pride - January 4, 2025
- Source of Educational Fund: Mother and Taxpayers - January 2, 2025
- Sa gitna ako nagsimula - December 31, 2024
Umuusbong ang dapit-hapon sa pagitan ng umaga at gabi. Ang langit at karagatan ay binubukod naman ng isang matiwasay na linya sa abot-tanaw. At ang sobra at kulang ay binabalanse ng pag-unawa sa sapat, sa katamtaman. Ito ang konsepto ng gitna–maganda, malawak, mainam. Ngunit sa parehong pagkakataon, ito rin ang lugar kung saan ako, bilang isang middle child, ay magkasabay na nakalaya at nabilanggo.
Dito ako itinadhanang magsimula: sa gitna.
Isa akong middle child; pangalawa sa tatlong magkakapatid. Puro kami mga lalaki: panganay si Kuya JC, 24, pangalawa naman ako, 21, at ang bunso naming si Friday, Fry kung tawagin, ay 15 taong gulang na.
Kung ilalarawan ko ang relasyon naming tatlo habang lumalaki, masasabi ko namang normal ito, kumbaga walang sobrang espesyal. Siguro dahil puro kami mga lalaki, normal na hindi gaanong malapit ang mga loob namin sa isa’t isa. Ngunit kung tutuusin ay isa nga itong kabalintunaan lalo’t madalas mas nakakahanap ng pare-parehas na mga interes ang mga magkakapatid kung parehas silang mga lalaki o babae.
Maliban sa lawak at ganda, may kainaman din dito sa gitna. Bilang panggitnang anak, hindi ko kailanman naisip na sisihin sina Nanay at Tatay, at mas lalo na ang sarili ko, sa mga pagkukulang o puwang na nararamdaman ko. Bilang isang anak kasi, mahalaga sa akin ang umintindi at ang intindihin. Marahil ay pinalaki akong sanay umunawa at babad na sa usaping kompromiso.
Katulad ng maraming anak, hindi ako nasanay na humihingi ng higit sa alam kong kayang ibigay ng aking mga magulang. Kung ano ang mayroon, maluwag sa dibdib kong tinatanggap. Ito marahil ang isa sa mga katotohanan sa mga tulad kong maagang namulat sa
hirap ng buhay. Bilang pangalawang anak, halos wala akong mga bagong gamit, halos lahat ay napaglumaan ni Kuya JC. Sa mas magaang salita, pamana niya kumbaga.
Wala akong problema sa luma. Sabi ko nga, sapat na sa aking, kahit papaano, ay mayroon. Habang lumalaki ako, natutuhan kong hindi man bago ang laruan, may kuwento pa rin naman itong dala. Hindi man bago ang damit, may init itong galing sa sakripisyo. Ramdam ko ang hirap nila sa bawat bagay na ibinibigay nila sa akin, at sa kabila ng kakulangan, naramdaman ko rin ang pagmamahal–hindi naman ito kailanman nawala. Sa gitna ng lahat, natutuhan kong pahalagahan ang maliit na mayroon, dahil para sa kanila, sapat na iyon upang iparamdam na mahal nila ako.
Pero minsan, hindi ko rin kasi maiwasang tanungin kung bakit parang laging may kailangang makompromiso at ipagpaliban? At bakit laging ako?
Sa aking mga magulang at kapatid, hindi ko sinasabing mayroon pang kulang; at mas lalong hindi ko sinasabing nakaramdam ako ng galit o inggit. Ang pagtatapat na ito ay pagpapalaya sa mga kaisipan at panloob na tunggaling nabihag magmula nang makilala ko ang tunay na anyo ng mundo. Dahil sa inyo, natutuhan kong ang tunay na pag-alala sa nakaraan ay wala sa mga nakalimbag na litrato, bagkus nasa diwa ng kagustuhan kong gunitain ang masaya at musmos na mga karanasan ko bilang isang bata, kapatid, at anak.
At sa mga tulad kong mga middle child, hindi tayo pare-parehas ng mga karanasan, ngunit sa maraming aspeto, nagtutugma ang ating nararamdaman. Bagaman mayroong mga bagay ang kinailangan nating ipagpaliban, hindi maranasan, at kalimutan na lamang, kahit papaano’y maganda rin naman dito sa gitna. Maaga tayong natuto sa maraming bagay na huli nang natutuhan ng ibang tao sa buhay. Nalaman nating maliban pa sa pribilehiyo ng pag-intindi mula sa ibang tao, higit na mahalagang mayroon tayong kakayahang intindihin ang sitwasyon at katotohanan ng buhay. Ang pagiging gitnang anak natin ay hindi kailanman pagkukulang kundi isang biyayang nagtuturo sa atin kung paano magpatawad, umunawa, at magmahal—hindi lamang sa iba kundi, higit sa lahat, sa ating sarili.
Alam kong biktima lang din naman tayo ng malupit na pagkakataon, at ng mga nagbabagong desisyon, katayuan, at pananaw sa buhay. Ngunit madaya naman yatang tayo na nga ang biktima, tayo pa ang mabibilanggo sa gitna. Kaya’t ang pagtatapat na ito ay pag-aasam na rin–isang panawagan para sa ating mga sarili na huwag sana tayong malimita ng nararamdaman nating kakulangan. Bahagi tayo ng isang mas malawak na kwento, at hindi lamang nabuo upang magsilbing tahimik na tagamasid sa mundo.
Ang pagiging gitnang anak ay isa ring mahalagang tungkulin, isang makabuluhang espasyo. Narito ang tagpuan ng malawak na mga pananaw at katotohanan; ang magandang balanse ng sobra at kulang; at tulad ng dapit-hapon na pumapagitna sa umaga at gabi, ang mainam na punto kung saan nagtatagpo ang dalawang dulo.
Bagama’t tila tayo, bilang mga anak, ay nakatadhanang manatili sa gitna, hindi ito nangangahulugang dito na magtatapos ang lahat. Maaari pa tayong umatras, maaari din namang
umabante pa. Ngunit alam nating sa huli, magpapatuloy pa rin tayo—palayo sa gitna, papunta sa sarili nating simula.