PHLPost nagbabala laban sa “Smishing” at Internet Scam

Nagbabala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko laban sa mga mapanlinlang na text message o “smishing” na gumagamit sa pangalan at pagkakakilanlan ng PHLPost upang makakuha ng personal at sensitibong impormasyong pinansyal.

Ayon sa PHLPost, karaniwang nagpapadala ang mga scammer ng text message na may kasamang kahina-hinalang link. Sinasabi sa mensahe na may problema umano sa paghahatid ng isang parcel dahil sa hindi kumpletong address o kaya naman ay nangangailangan ng agarang pagbabayad ng “redelivery fee” gamit ang credit o debit card.

Mariing nilinaw ng PHLPost na hindi nagmumula sa ahensya ang mga ganitong mensahe. Hindi rin hinihingi ng PHLPost sa pamamagitan ng text message ang sensitibong impormasyon gaya ng bank details, card information, password o One-Time Password (OTP).

Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na huwag i-click ang anumang kahina-hinalang link, huwag magbigay ng personal o banking information, at huwag magsagawa ng online payment sa mga website na hindi beripikado. Mahalagang suriin muna ang pinagmulan ng anumang mensahe bago gumawa ng aksyon.

Para sa lehitimong pagsubaybay o pag-verify ng mga parcel, hinihikayat ang publiko na gamitin lamang ang opisyal na website at awtorisadong communication channels ng PHLPost.

Para sa mga katanungan o pag-uulat ng kahina-hinalang mensahe o aktibidad, maaaring makipag-ugnayan sa PHLPost Customer Service sa (02) 8288-7678 o 8288-POST. Maaari ring magpadala ng email sa phlpostcares@phlpost.gov.ph at PHLPost Inspectorate Department (isd@phlpost.gov.ph).

Hinihikayat ng PHLPost ang publiko na manatiling mapagmatyag at mapanuri sa paggamit ng text messages, social media at iba pang online platforms.