North Luzon Monitor

North Luzon

KaGUOluhan sa Senado

Youth Vibe
Latest posts by Youth Vibe (see all)

Sa bawat nagdaang mga pagdinig sa senado sa ilalim ng committee on women, children, family relations, and gender equality sa pangunguna ni Senator Risa Hontiveros tungkol kay Alice Guo at mga POGO Hub na nagsimula noong Mayo 2024 ay lumalala ang bawat eksena habang tumatagal. Makatarungan pa ba ang mga ikinikilos ng ilang senador o nagpapakitang-tao na lamang sila? Dahil sa mga ganitong eksena ang mental health ng mga resource person kasama si Guo ay naaapektuhan at nasisira na.

Noong Hulyo 2024, bigla akong nainis nang marinig ko sa balitang hindi makakadalo si Guo sa panibagong pagdinig dahil sa takot na kaniyang nararamdaman. Ayon sa panayam kay Attorney Stephen David na abogado Guo, lagi siyang umiiyak at nagkaroon pa siya ng trauma dahil sa mga ipinakitang ugali ng mga senador sa mga nagdaang pagdinig. Dahil sa inis ko, nakapagsalita ako ng, “Dapat malakas ka pagdating sa mga ganiyang hearing, dapat ihiwalay yung emosyon. Ang arte naman niya.”

Pagdating ng Setyembre 2024, habang nanonood ako ng pagdinig matapos mahuli si Guo sa Indonesia nang hindi siya nagpakita sa publiko sa loob ng halos dalawang buwan, napansin kong mas naging agresibo ang mga senador at hindi na makapagpigil ng emosyon na nagresulta sa panduduro at paninigaw nila kay Guo. Bigla akong napaisip, kumusta kaya ang mental health ni Guo? Ayos pa ba siya? Sa patuloy kong panonood, ang mga senador ay magtatanong pero hindi sila naniniwala at paminsan-minsa’y pinangungunahan nila ang mga resource person at tatawagin nilang sinungaling ang mga ito. Para saan pa ang ginagawang pagdinig kung hindi naman sila nakikinig at naniniwala?

Nang magtanong si Senator Jinggoy Estrada tungkol sa kung may karelasyon ba si Guo, tila nalimutan niyang nasa pagdinig siya nang ilang beses niyang pinagpilitang may karelasyong pulitiko si Guo at bahagyang tatawa. Sa patuloy na pagsasagawa ng mga pagdinig, kapansin-pansin ang pagbabago sa emosyon ni Guo. Ang dating palangiting Alice Guo noon ay isa nang laging nakasimangot ngayon. Napapansin kaya ng mga senador ang epekto ng mga ikinikilos nila o patuloy silang magbubulag-bulagan? Marami na akong nakikitang mga komento sa Facebook tungkol sa mga ikinikilos ng mga senador, “Mga wala talagang puso ang mga yan,” , “Grabe magalit, kala mo naman walang kaso noon,” at “Bakit hindi nila tignan yung POGO sa Cavite,” ay ang mga nabasa ko. Nangingibabaw ang pagiging pakitang-tao ng mga senador para linisin at pabanguhin ang kanilang mga pangalan. 

Sa kabila ng magkakaibang opinyon ng publiko sa isyu ni Guo, namamayani pa rin ang pagtuklas ng katotohanan. Nainis man ako noon kay Guo ay patuloy kong sinusubaybayan ang bawat pagdinig at patuloy na naghihintay sa paglabas ng katotohanan. Ang tanong ng publiko, kailan nga ba lilitaw ang katotohanan? Magkakaiba man ang pananaw ng publiko ay iisa lamang ang minimithing layunin, ang matuklasan ang paglabas ng katotohanan at ang pagpapanagot sa tunay na may sala.   Sulat ni Alexis Aubrey P. Asalil

Scroll to Top