North Luzon Monitor

North Luzon

Bakit May ‘Ako’ sa Takot?

Myra G. Gahid, RPsy, RPM
Latest posts by Myra G. Gahid, RPsy, RPM (see all)
lumipas ang ilang buwan nang kaniyang maalala,
na siya pala’y hindu na nagsusulat ng tula.
lumipas ang ilang buwan at kaniyang nasaksihan,
mga salita, lira, tono, at hugis na may pinatunguhan.
siya ay napatanong, nasa’n ang aking tugma?
nasa’n ang noo’y ‘di niya makaligtaang isama?
siya ay napaisip, siya pa ba’y may karapatan,
kaniyang damdamin at naisip ay lapatan?
bakit may ‘ako’ sa takot?
dahil ba ako ang nagdulot ng sarili kong kinatakutan,
na kung walang makabasa, makarinig, ay tila sarili na lang ang pipigilan?
bakit may ‘ako’ sa takot?
dahil ba ako ang pinaggitnaan nang tila mabigat na pangamba,
matagpuan man sa dulo o simula?
bakit mga ba may ‘ako’ sa takot?
sa aking pagninilay-nilay,
sa muling paghinga sa ingay ng katahimikan nang hindi agad na pagdampi ng tinta sa papel,
sa muling pagpapakila nang mga puwang sa mga titik at pagbura ng ilang letra,
sa muling pagpatak ng luha at pagmamahal para sa aking ginagawang pyesa,
natagpuan ko ang maaaring sagot.
marahil may ako sa takot dahil pinili kong isilid ang aking sarili.
marahil may ako sa takot dahil napigilan ako nang ibang tao, mga kumento o hindi nabigkas na salita na lumitaw sa mga mata o ngiting hindi alam paano pumustura.
marahil may ako sa takot dahil higit na naramdaman ko ang bilis na pag-ikot ng mundo, at para hindi ako tangayin ng alon nito, ay pinili kong sumiksik sa nakasanayan,
sa akala ko ay di matitinag, matatag.
pero, ngayon, akin ngang napagtanto,
na baka may ako sa takot,
dahil binakuran ko na ang kaya at ‘di ko kayang gawin,
binigyan ko na ng simula at wakas ang akala ko noo’y rurok na aking isinulat.
“mayroon pa ba akong maisusulat?”
mayroon pa.
sa pagdaig ko sa rehas ng pananaw na aking nakasanayan,
sa bagong yugto ng aking mga tula, pagsusulat, at pagbabahagi,
sa paggalaw ko sa gitna ng takot,
ito ang pinakauna.
Scroll to Top