Higit pa sa kaniyang pagiging manugsuguidanon (epic chanter), manughusay (arbiter), at bantugan (distinguished), si Manlilikha ng Bayan Federico Cabellero ay isang tagapakinig at impukan-daluyan ng kultura at komunidad ng Panay Bukidnon. Sa pagpanaw ni Tay Pedring sa edad na 88 noong Agosto 17, 2024, ang buong komunidad at ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ay nagdadalamhati.
Sa darating na ika-3 ng Setyembre sa Calinog Public Plaza, Poblacion Ilaya, Iloilo ay gaganapin ang pag-alala kay MB Federico Caballero. Ang pagbabalik-tanaw, pag-aalay ng bulaklak, pagpaparangal, at paghahabilin ng medalyon ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan ay pagpupugay sa kaniyang buhay at dedikasyon sa pakikinig, pagsasalaysay, pagdodokumento, at pagsasalin ng Sugidanon na binubuo ng sampung epiko.
Si MB Federico Caballero ay pinarangalan ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan noong 2000, bilang pagkilala sa kanyang kahusayan sa Sugidanon. Sa kaniyang kabataan ay natutuhan na niyang pahalagahan ang mga epiko. Bilang tagapangalaga ng kultura, nakipagtulungan siya sa mga mananaliksik upang mabuo muli ang mga epiko ng Humadapnon at Labaw Donggon, at hinihikayat ang mga nakatatanda sa komunidad na matutong magbasa at magsulat upang mapanatili ang kanilang mga tradisyon.