Sa Likod ng Ilaw ng 7-Eleven

Malamig ang hangin sa Balsigan kapag sumasapit ang gabi. Sa harap ng 7-Eleven, nakaupo si Nelson Lukas sa isang monoblock chair, nakamasid sa kalsadang unti-unting nilalamon ng dilim. Ang malamlam na ilaw ng tindahan ang tanging liwanag sa kaniyang puwesto, habang ang mga sasakyan ay paminsan-minsang dumaraan sa tahimik na kalsada.

May mga gabing umaabot ng ilang oras na walang bumibili. Sa mga sandaling iyon, tahimik lamang siyang nakaupo—minsan ay inaayos ang pagkakaupo, minsan ay sinusundan ng tingin ang mga dumaraang tao, tila nakikipagpustahan sa oras kung may lalapit pa bang customer. Sa pagitan ng katahimikan at pag-asam umiikot ang kaniyang gabi—hindi minamadali, hindi rin tiyak, ngunit
kailangang ipagpatuloy.

Sa ganitong oras nagsisimula ang kaniyang hanapbuhay. Mula alas-5 ng hapon hanggang alas-2 ng madaling araw, araw-araw niyang nilalakad ang rutang T. Burgos hanggang Balsigan upang magtinda ng balut. Habang ang lungsod ay nagpapahinga, nananatili siyang gising—nakikipagbuno sa lamig, sa pagod, at sa pag-asang may maibigay siyang kita para sa pamilya.

May mga ilang pagkakataong sa loob ng isang gabi, walang nabibiling kahit isa sa loob ng matagal na oras. Ngunit nananatili siya sa puwesto, dahil ang pag-uwi nang walang kinita ay mas mabigat kaysa pagod ng paghihintay. Sa likod ng ganitong gabi, dala niya hindi lamang paninda kundi ang responsibilidad para sa kaniyang pamilya.

Bago pa man siya naging balut vendor sa Baguio, marami na siyang pinagdaanang hanapbuhay. Dati siyang magsasaka sa Mangatarem, Pangasinan, ngunit napilitan siyang huminto nang unti-unting mapalitan ng mga makinarya ang trabaho sa bukid. “Para bang napalitan na kami ng mga makina,” kuwento niya. “Dahil doon, nababawasan na rin ang kinikita ko.”

Sinubukan rin niyang magtanim ng gulay sa Imus, Cavite sa loob ng isang taon. Ngunit sa bawat paglipat ng hanapbuhay, hindi siya tumigil—lumaban, naghanap, at kumapit hanggang sa makarating sa Baguio. “Hanggat kaya ko pa, magtatrabaho ako,” saad niya. Tubong Nueva Ecija si Lukas. Kasalukuyan siyang nakatira sa isang boarding house kasama ang ilang kasamahan. Libre ang kaniyang tinutuluyan, ngunit siya ang gumagastos sa pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan, kaya’t araw-araw niyang binabalanse ang kinikita sa pamasahe,
pagkain, at gastusin sa buhay.

May apat siyang anak—dalawang lalaki at dalawang babae. Ang dalawang panganay, edad 21 at 18, ay huminto na sa pag-aaral at nagtatrabaho sa Bulacan upang makatulong sa pagpapaaral ng kanilang dalawang nakababatang kapatid na nasa Grade 11 at Grade 8.

Sa magagandang gabi, umaabot lamang sa humigit-kumulang limang daang piso ang kaniyang kita. Mas maayos lamang ang bentahan tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo. Kapag umuulan, napipilitan siyang sumakay ng taxi pauwi mula Balsigan hanggang T. Burgos, bawas ang kita. Kapag malakas ang bagyo, mas pinipili niyang huwag nang lumabas.

Isang gabi, may customer na huminto sa kaniyang puwesto. Bumili ito ng balut ngunit hindi agad umalis. Sa halip, nag-abot ito ng pagkain at nakipagkwentuhan sa kaniya sa ilang sandali. Sa gabing iyon nagsimula ang isang maliit ngunit mahalagang ugnayan.

Sa kalaunan, naging suki at kaibigan niya ang naturang customer na madalas ding dumaan sa lugar—dalawang beses sa isang linggo. Sa tuwing bumibisita, may mga pagkakataong nagdadala ito ng pagkain at ibinabahagi kay Lukas, isang simpleng tulong na nagiging mahalaga sa gitna ng mahabang gabi ng paghihintay.

“Sinasabi niya sa akin, ‘Kumain ka na, huwag ka nang magpapalipas ng gutom,’” pagbabahagi niya. Sa mga gabing pinakamatagal ang katahimikan, may mga sandaling tila humihinto rin ang pagod sa kaniyang isip—mga sandaling walang sigurado kung may uuwiang kita o wala. “May mga araw na sinasabi ko, ‘Lord, kunin Mo na ako,’” aniya. “Pero laban lang para sa mga anak ko.”

Habang lumalalim ang gabi, bumabalik pa rin siya sa kaniyang pwesto sa harap ng 7-Eleven sa Balsigan. Doon siya nananatili—nakaupo, tahimik, nakamasid sa kalsadang unti-unting nawawalan ng tao. “Kahit paano nakakaraos. Kahit paano nakakapagbigay sa mga anak ko,” saad niya.
Habang papalapit ang madaling araw at unti-unting humuhupa ang ingay ng Baguio, nananatili si Nelson Lukas sa kaniyang puwesto—isang amang nakaupo sa ilalim ng malamlam na ilaw, naghihintay hindi lamang ng susunod na bibili, kundi ng panibagong araw na muling magpapagalaw sa kaniyang tahimik na pakikipaglaban sa gabi.  by Farrell Ventigan